PINALAWAK pa ng Grab Philippines at MOVE IT ang kanilang emergency insurance support sa pakikipagtulungan ng COCOLIFE, upang mas palakasin ang hospital assistance at financial protection para sa mga rider-partner at pasahero na gumagamit ng kanilang on-demand mobility services.
Sa ilalim ng partnership, nabigyan ng 24/7 access ang mga rider at pasahero sa mahigit 700 COCOLIFE-accredited hospitals sa buong bansa para sa mga emergency situation na may kinalaman sa Grab at MOVE IT rides. Saklaw nito ang agarang tulong-medikal at pagpapaospital habang aktibo ang biyahe sa platform.
Ang pinalawig na hospital assistance ay dagdag sa umiiral na insurance coverage ng dalawang kumpanya. Patuloy ang group personal accident insurance ng Grab at MOVE IT na pinangangasiwaan ng AIG Philippines, na sumasaklaw sa fatal injuries, permanent disability, at accident-related medical expenses. Nananatili rin ang AXA-backed life at disability protection bilang incentive para sa top-performing driver- delivery, at rider-partners.
Ayon kay Ronald Roda, managing director ng Grab Philippines, kailangang sabayan ng mas matibay na proteksyon ang realidad na kinakaharap ng kanilang mga partner at pasahero araw-araw.
Aniya, patuloy ang Grab at MOVE IT sa pag-invest sa mas maaasahang safety nets upang makabiyahe ang mga pasahero nang mas kampante at makapagtrabaho ang mga partner nang may kumpiyansa.
Sa expanded coverage, may hospital assistance na hanggang P50,000 kada miyembro bawat taon para sa mga aksidenteng mangyayari habang aktibo ang biyahe. Sakop nito ang emergency room, inpatient, at outpatient services sa mga accredited hospital ng COCOLIFE, na may karagdagang tulong depende sa ebalwasyon ng kaso.
Streamlined din ang claims process, kung saan maaaring dumiretso ang rider o pasahero sa alinmang COCOLIFE-accredited hospital na siyang makikipag-ugnayan sa Grab at MOVE IT support teams para sa agarang beripikasyon at pag-apruba.
Sinabi naman ni Wayne Jacinto, general manager ng MOVE IT, na ang partnership kasama COCOLIFE ay bahagi ng pangkalahatang estratehiya ng kanilang platform na paigtingin ang proteksyon para sa mga partner at pasahero.
63
