MARIING itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga pahayag sa social media na umano’y nagpapakita ng talamak na katiwalian sa hanay ng militar, kasunod ng paglabas ng 2024 Commission on Audit (COA) Annual Audit Report.
Ayon sa AFP, sadyang binaluktot ang ilang audit observations upang palabasing may korupsyon, kahit malinaw sa ulat ng COA na layon ng mga obserbasyon na palakasin ang accounting procedures, internal controls at financial management ng ahensya.
Nilinaw ng AFP na ang mga bank account na tinukoy bilang “unauthorized” ay ginamit para sa mga lehitimong layunin, kabilang ang PCSO Endowment Fund, tulong medikal sa mga sundalo, at PhilHealth-related accounts para sa professional fees ng mga doktor.
Giit ng AFP, ang isyu ay procedural at hindi tungkol sa maling paggamit o paglustay ng pondo. Alinsunod sa direktiba ng COA, lima sa anim na account ang isinara at ang mga pondo ay na-remit sa Bureau of the Treasury.
Tungkol naman sa unliquidated cash advances, ipinaliwanag ng AFP na ang mga ito ay ginamit sa lehitimong operasyon at nasa proseso pa ng liquidation nang isagawa ang audit.
Hanggang Setyembre 30, 2025, P178.72 milyon o 82.36 porsyento ng P201.86 milyon ang na-liquidate na, habang patuloy ang pagsisikap na maresolba ang natitirang balanse.
(JESSE RUIZ)
22
