FAKE NEWS SA KRIMEN INALMAHAN NG LIPA POLICE

MARIING pinabulaanan ng Lipa City Police Station at Batangas Police Provincial Office ang kumakalat na maling impormasyon sa social media hinggil sa umano’y mga pamamaril sa lungsod na may nasawi.

Ayon sa pulisya, walang katotohanan ang mga post na nagsasabing may tatlo kataong napatay sa isang insidente sa Lipa City.

Nilinaw rin ng Lipa City Police na bagama’t totoo ang pananambang sa sinasakyang SUV ng tatlong empleyado ng Small Town Lottery sa Barangay Pangao, ligtas ang lahat ng mga sakay at walang nasawi.

Pinabulaanan din ng pulisya ang balitang may sugatang anim na kabataan sa hiwalay na insidente, at sinabing walang tinamaan ng bala kundi sasakyan lamang ang nasira.

Nanawagan ang Batangas PPO sa publiko na maging mapanuri sa pagbabahagi ng impormasyon habang iniimbestigahan na ang pinagmulan ng mga fake news at posibleng managot ang mga sangkot.

(NILOU DEL CARMEN)

18

Related posts

Leave a Comment