PUNA ni JOEL O. AMONGO
DUDULOG sa Korte Suprema ang grupo na naghain ng tinaguriang “People’s Impeachment” laban kay Pangulong Junjun Marcos, Jr., para kwestiyunin ang Office of the Secretary General ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, sa hindi pagtanggap ng reklamo laban sa presidente.
Ang grupo ni Atty. Ferdinand Topacio ay nagtungo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso partikular sa Office of the Secretary General, kamakailan para isampa ang kanilang reklamo laban Pangulong Marcos pero hindi ito tinanggap dahil wala at nasa bansang Taiwan daw ang kanilang hepe na si Atty. Cheloy Garafil.
Sinabi ni Atty. Topacio, hindi kailangan na si Garafil lang ang dapat tumanggap ng kanilang impeachment laban kay BBM, kahit sino ay maaaring i-receive ang kanilang reklamo basta tatakan lamang na magpapatunay na ito ay natanggap ng nasabing opisina.
Nagkakaisa rin ang maraming abogado na mali ang ginawa ng Office of the Secretary General na hindi nila tinanggap ang “People’s Impeachment” na inihain nina Atty. Ferdinand Topacio, Atty. Harold Respicio, Atty. Manuelito Luna, Mike Defensor, dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson, Cathay Binag at iba pa, kaya nararapat lamang managot ang matataas na mga opisyal ng nabanggit na tanggapan ng pamahalaan.
Dahil sa pangyayaring ito, matibay ang paniniwala ng grupo ni Atty. Topacio na may sinusunod si Garafil para hindi maisampa ang malakas na impeachment laban sa pangulo.
Nauna nang pinagdudahan na “Impeachment Me” ang impeachment complaint na inihain ni Atty. Andre de Jesus na inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Lumalabas na hindi na taumbayan ang pinoprotektahan ng Office of the Secretary General ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, kundi ang Pangulo na lamang ng bansa (BBM) na pinagdudahang siya ang mastermind sa flood control scam na umabot ng mahigit isang trilyong piso na nagsimula noong 2023, 2024 hanggang 2025.
Hindi na rin naituloy ang tinawang na “People’s Impeachment” matapos nai-pressure ang mag-i-endorso sanang kongresista sa nasabing impeachment laban kay BBM. Hanep! Iba talaga ‘pag pera-pera ang pinag-uusapan.
Lahat ng bagay ay may tapusan, hindi lahat ng panahon ay makaliligtas sila, matatapos din ang kanilang paghahari sa bansa.
May pagkakataon na kahit limpak-limpak na salapi ang ibigay mo sa alam mong kakampi ay magsasawa rin ‘yan at kapag nauntog ang mga ‘yan bibitiw rin ‘yan sa ‘yo, BBM.
Parang hindi mo alam ang nangyari sa tatay mo (Marcos Sr.), Junjun Marcos, na kahit busog sa pera ang mga nakapalibot sa kanya ay napababa rin siya sa Palasyo ng Malakanyang.
Kapag taumbayan na ang kumilos ay wala kayong magagawa kundi iwanan ang inyong hawak na posisyon, lalo kung may pahintulot ng Panginoon.
Maaari ring dahil sa sakit ay iwanan mo ang iyong posisyon, PBBM, kaya ang pinakamabuti mong gagawin, PBBM, ay magpakatotoo sa lahat ng iyong mga hakbang.
Mabuti man o masama ang ginagawa ng tao ay may katapusan, dahil may katapusan din ang ating buhay.
Habang nabubuhay pa tayo ay gumawa tayo ng mabuti para kapag wala na tayo sa mundo, maganda ang sasabihin sa atin ng ating mga naiwan, ito ang sinasabing legasiya.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
9
