MULING ipinaalala ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mahigpit na One Strike Policy ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila laban sa mga tiwaling kawani, kasunod ng agarang pagsibak sa isang traffic enforcer na nasangkot sa pangongotong sa Binondo, Maynila.
Ayon sa alkalde, layon ng patakaran na ipakita ang matibay na paninindigan ng lokal na pamahalaan sa disiplina, integridad at mabilis na aksyon para sa kapakanan ng mga Manileño at ng mga dumadayo sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Isko na agad naglabas ng cease and desist order si MTPB Officer-in-Charge Director Dennis Viaje noong Enero 27, 2026 matapos makarating sa kanilang tanggapan ang viral video ng traffic enforcer na si Edgar Pangilinan, isang job order employee ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), na sangkot umano sa ilegal na paniningil.
Kasabay ng pagsibak kay Pangilinan, inatasan din siyang isauli ang lahat ng gamit ng MTPB kabilang ang Ordinance Violation Receipt (OVR), ticket booklets, ID, handheld radio at body camera.
Babala ni Mayor Isko sa mga kawani ng lungsod na patuloy pa ring gumagawa ng katiwalian, hindi sila palalampasin at inaasahang maging huwaran sa sinumpaang tungkulin sa bayan.
Hinimok naman ng alkalde at ni Director Viaje ang mga motoristang nabibiktima ng tiwaling traffic enforcer na agad magsumbong sa kanilang tanggapan upang mabilis na maaksyunan ang reklamo.
(JOCELYN DOMENDEN)
31
