ARESTADO ang isang indibidwal matapos masamsam ang tinatayang ₱12 bilyong halaga ng pekeng U.S. currency at Treasury instruments sa operasyon ng National Bureau of Investigation – Criminal Intelligence Division sa Pasay City.
Ayon sa NBI, nabisto ang suspek matapos ang serye ng surveillance at undercover buy-bust operations kung saan nakabili ang mga operatiba ng tatlong bundle ng pekeng U.S. dollars.
Isinagawa ang huling transaksyon sa isang mall sa Pasay City kung saan naaresto ang suspek in flagrante delicto matapos tanggapin ang marked money.
Sa operasyon, tumulong din ang mga technical experts mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang masuri ang mga nasamsam na pekeng banknotes at Treasury instruments.
Iniharap ang suspek para sa inquest proceedings sa piskalya ng Pasay City dahil sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit.
Ayon kay NBI Director Melvin A. Matibag, ang pagkakasamsam ng napakalaking halaga ng pekeng pera ay malaking dagok sa isang multi-bilyong pisong sindikato na nagbabanta sa integridad ng sistemang pinansyal ng bansa.
Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang operasyon upang matunton at buwagin ang iba pang kasapi ng naturang grupo.
(JOCELYN DOMENDEN)
101 