ANG NAGBABAGONG TREND SA EDUKASYON

Psychtalk

(Unang bahagi)

Isang malaking isyung kinaharap ng mga kababaihan ilandaang taon na ang nakalilipas ay ang karapatang makapag-aral sa mga kolehiyo at uni­bersidad.

Bagama’t nakakapag-aral naman, matagal na ang pag-aaral para sa kababaihan sa mahabang panahon ay nakatuon para mas maihanda sila sa paggawa  ng kanilang mga  ‘reproduktibong’ gampanin bilang mga dakilang “homemakers.”

Mahigit isandaang taon pa lang ang nakalilipas nang sa unang pagkakataon ay pinayagan ang mga babae na mag-aral ng isang kurso o propesyon. Ibig sabihin, pwede na siyang maghanda o kumuha  ng teoretikal at praktikal na kaalaman o kasanayan para makasabay sa mas ‘produktibong’ gawain sa lipunan sa pamamagitan ng pagpraktis ng isang propesyon o magpatakbo ng isang hanapbuhay.

Ganunpaman, may mga ilang bansa o lipunan pa rin na dehado ang kababaihan sa pag-aaral lalo  sa mas extremists at konserbatibong kultura.

Ngunit sa pangkalahatan at mas malawak na perspektibo, mapapansin ang mga pagbabago sa datos kaugnay ng pag-aaral at kababaihan. Nagbabago na ang trend. Bumabaligtad na ang mga datos at mga kaganapan sa iba’t ibang larangan ng buhay.

Kung dati ay kulelat ang mga kababaihan sa larangan ng edukasyon, nakita sa nagdaang huling mga dekada ang pag-u­ngos ng mga babae  sa mga lalaki  sa mga paaralan.

Halimbawa sa usapin pa lang ng mga dropouts mula primary  at tertiary education, kapansin-pansin  na sa tumataas na bilang ng mga kabataan na tumitigil sa pag-aaral, mas malaking bahagdan sa kanila ay kalalakihan.

Samakatuwid, lumalabas na mas marami na ring kababaihan ngayon ang nakakatapos ng pag-aaral, nagiging mga propesyunal, at nakakapasok na sa mga posisyong dati ay lalaki ang nangunguna.

Anong nangyayari sa ating mga kabataang lalake? Anong mayroon sa ating lipunan o sa pagpapalaki ng mga lalaki at tila bumabaligtad na ang kalagayan nila? Anu-ano ang mga sikolohikal, so­syolohikal, kultural, politikal, at ekonomikal na kadahilanan at dulot nito?

Hindi ko sinasabing masama na maungusan na ng mga babae ang mga lalaki sa larangan ng edukasyon. Nakakatuwa at may nakikita na tayong senyales ng pag-igi ng kalagayan ng kababaihan.

Pero hindi ito ang hinahangad natin sa totoong buhay—hindi ang pamamayani ng isang kasarian o gender lamang, kundi ang ba­lanse ng dalawa. Hindi kailangan ang ganansiya ng isa, ang magiging kawalan ng isa. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

150

Related posts

Leave a Comment