PATULOY na tinutugis ng mga awtoridad ang lima pang Chinese nationals na sinasabing mga incorporator ng sinalakay na steel plant sa Tagoloan, Metro Cagayan De Oro sa Misamis Oriental.
Ang pagsalakay ay nagresulta sa pagkakadakip sa 69 undocumented Chinese nationals at isang Pilipino na sangkot umano sa ilegal na operasyon ng plantang pinaniniwalaang gumagamit ng hazardous materials.
Ang 69 Chinese nationals ay nadiskubreng ilegal na nagtatrabaho sa sinalakay na steel plant na pag-aari ng isang Chinese businessman na dating naugnay sa Philippine Offshore Gaming Operation o POGO.
Ayon kina Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., at Presidential Anti-Organized Crime Commission Executive Director Ret. Gen. Benjamin Acorda Jr., tinutugis pa ang limang incorporator na nakatakas.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Teodoro sa Office of Civil Defense Region X, na magsagawa ng imbentaryo at accounting ng mga empleyadong apektado ng mga nahintong operasyon sa sinalakay na pasilidad sa ilalim ng inisyung warrant.
Iniutos din ng kalihim ang pagsasagawa ng medikal na pagsusuri sa lahat ng mga tauhan na sangkot sa operasyon maging ang mga katabing komunidad na posibleng nalantad sa mga potensyal na nakalalason o nakapipinsalang materyales o kemikal.
Nabatid na ang lugar ay bahagi ng PHIVIDEC Industrial Estate, isang semi-autonomous zone sa ilalim ng pangangasiwa ng DND.
Ayon sa Kagawaran, iniuugnay ang pasilidad sa mga seryosong paglabag sa batas kabilang ang paggamit ng potentially hazardous materials kaya kasalukuyang isinailalim sa masusing pagsisiyasat ang nasabing gusali.
Bukod sa kawalan ng kaukulang dokumento ng mga dayuhang manggagawa, nakumpirma rin sa pagsisiyasat ang tahasang paglabag sa labor safety practices sa site. |
Kaugnay nito, nagbabala ang kalihim sa sinomang makikialam o haharang sa isinasagawang imbestigasyon. “Any attempt to obstruct lawful operations or impede the case would be dealt with accordingly,” ani Sec Teodoro.
(JESSE RUIZ)
72 