‘PINOY 911’ ISINUSULONG NG LIDERATO NG KAMARA

SUPORTADO ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang pagtatatag ng bersyon ng Pilipinas ng isang pinagsama-samang emergency medical system na katulad ng 911 upang matiyak ang mabilis at de-kalidad na pagtugon sa oras ng emerhensiya.

“Marami nang Pilipino ang pamilyar sa 911. Pero ang mas mahalagang tanong ay: kapag may tumawag sa 911, may maaasahan ba siyang mabilis, maayos, at de-kalidad na pagtugon? Iyan ang nais tiyakin ng panukalang ito. Hindi lamang hotline ang binubuo natin kundi isang integrated emergency medical services system na makapagliligtas ng maraming buhay,” ani Speaker Dy.
Inihayag ito ni Dy matapos aprubahan ng House Committee on Health ang pinagsama-samang panukalang batas na magtatatag ng National Integrated Emergency Medical Services System (EMSS).

Noong Lunes, inaprubahan ng komite ang siyam na magkakahiwalay na panukala at isinulong ang kanilang konsolidasyon sa iisang panukalang batas.

Layunin ng panukala na gawing permanente ang emergency medical services system sa pambansa, rehiyonal at lokal na antas, habang nagtatakda ng iisang pamantayan para sa emergency care, akreditasyon ng mga institusyon, pagsasanay ng mga responder, dispatch systems at regulasyon sa mga emergency medical vehicle.

Ayon kay Dy, matutugunan nito ang matagal nang kakulangan sa kakayahan ng bansa sa emergency response.

“Kapag may aksidente, biglaang atake sa puso, stroke, o anumang medical emergency, bawat minuto ay mahalaga. Ang buhay ng isang tao ay hindi dapat nakasalalay sa lokasyon ng kanyang tirahan o kung gaano kabilis makakontak ng ambulansya,” aniya.

Sinabi naman ni House Committee on Health Chairman at Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. na hanggang ngayon ay wala pa ring nagkakaisang emergency medical services system ang bansa sa kabila ng pagkakaroon ng national emergency hotline.

Aniya, nagreresulta ito sa mabagal na response time, hindi pantay na kalidad ng serbisyo at mga pagkamatay na sana ay naagapan.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng iisang pambansang pamantayan at mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga responder, ospital, lokal na pamahalaan at mga pambansang ahensya.
Nagpahayag din ng suporta ang Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Undersecretary at DOH spokesperson Dr. Albert Francis Domingo, mahalagang ma-institutionalize ang isang komprehensibo at standardisadong emergency medical services system upang mapalakas ang pre-hospital emergency care, emergency transport dispatch systems at referral systems.

“Naniniwala po ang DOH na mahalagang mapalakas ang pre-hospital emergency care, emergency transport dispatch systems at inter-facility referral systems upang mapabuti ang patient outcomes at mabawasan ang mga pagkamatay,” ani Domingo.

Para kay Dy, ang panukala ay tungkol sa pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa bawat Pilipino na makaligtas sa oras ng sakuna o medical emergency.

Ang pinagsama-samang panukalang batas ay isusulong na ngayon para sa karagdagang pagtalakay sa Kamara de Representantes.

(TINA MENDOZA)

111

Related posts

Leave a Comment