NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng patas na proteksyon, paggalang at pantay na oportunidad para sa LGBTQIA+ community habang nakiisa sa pagdiriwang ng Pride Month.
Sa kanyang mensahe, iginiit ng Pangulo na nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagtataguyod ng dignidad, inclusivity at equal opportunities para sa lahat ng Pilipino anoman ang kanilang pagkakakilanlan.
“As we celebrate Pride Month, the government reaffirms a principle that must never waver: every Filipino is entitled to equal protection, equal opportunity, and equal respect under the law,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Chief Executive na hindi dapat manatili lamang sa salita ang inclusivity kundi maisabuhay ito sa mga polisiya, institusyon at pang-araw-araw na gawain.
Kinilala rin ng Pangulo ang malaking ambag ng LGBTQIA+ community sa pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng kanilang talento, serbisyo at pamumuno.
“The LGBTQIA+ Community has long helped shape our country’s progress through its talent, service, and leadership,” ayon sa Pangulo.
Dagdag pa niya, walang Pilipino ang dapat makaramdam na hindi sila kabilang sa lipunan dahil lamang sa kanilang identidad.
“Let this observance send a clear message: no Filipino should ever be made to feel invisible in the country they help build,” aniya.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga pakikibaka at sakripisyong pinagdaanan ng LGBTQIA+ community upang makamit ang pagkilala at pagkakapantay-pantay.
“This observance honors the courage of those who refused to be excluded or denied their rightful place in society,” dagdag niya.
Nanawagan din ang Pangulo ng pagkakaisa, paggalang at malasakit habang ipinagdiriwang ng bansa ang Pride Month sa ilalim ng Bagong Pilipinas vision.
“Let us stand united in defending the welfare of every Filipino and in creating a future where no one is left behind because of who they are, how they identify, or whom they love,” ayon sa Pangulo.
Bago pa man maging Pangulo, nagpahayag na si Pangulong Marcos ng pagiging bukas sa pagkilala sa same-sex civil unions kung maipapasa ng Kongreso ang kaukulang panukalang batas.
(CHRISTIAN DALE)
96 