LUMALALANG GULO SA SENADO ISINISI SA MINORITY

TAHASANG sinisi ng mga kaalyado ng Majority Bloc sa Senado ang Minority Bloc sa lumalalang tensyon sa kapulungan at tinawag na “pagmamalinis” ang mga akusasyong sila umano ang dahilan ng pagkaantala ng mga mahahalagang panukala.

Ayon sa mga miyembro ng mayorya, hindi makatarungan ang pagbibintang ng minorya na sila ang responsable sa mabagal na usad ng lehislasyon sa Senado.

Iginiit nila na si Senate President Alan Peter Cayetano ay naupo lamang sa puwesto noong Mayo 11 at minana ang mga panukalang matagal nang nakabinbin sa nakaraang liderato.

Binatikos din ng mayorya ang pag-walkout ng Minority Bloc sa plenaryo at inilarawan ito bilang malinaw na halimbawa ng “double standard.”

“Kapag sila ang gumawa, hindi raw pag-abandona sa sesyon. Pero kapag ang mayorya ang kumilos, agad itong tinatawag na paglabag sa rules,” ayon sa isang senador na kaalyado ng kasalukuyang liderato.

Ayon pa sa mayorya, nahirapan ding makapagpokus ang Senado sa mahahalagang panukala dahil sa sunod-sunod na kontrobersiya at mga pag-atakeng ibinabato laban sa ilang senador.

Tinukoy nila ang pagkakasangkot ni Senador Jinggoy Estrada sa mga kaso at ang umano’y bantang masundan pa ito ng mga kaso laban kina Senador Francis “Chiz” Escudero, Rodante Marcoleta at Joel Villanueva.

“Imbes na mag-usap tungkol sa mga panukala, mas maraming oras ang nauubos sa pagsagot sa mga paratang at personal na atake,” ayon pa sa isang senador.

Iginiit din ng mayorya na hindi sila ang nagsimula ng personal na bangayan sa Senado.

Sa halip, sinabi nilang may ilang miyembro ng minorya na mas nakatuon sa matitinding pahayag, soundbites at pagpapasikat sa social media kaysa sa mga usaping pambatas.

Partikular nilang tinukoy sina Senador Erwin Tulfo at Senador Raffy Tulfo na umano’y madalas bumatikos kay Cayetano at sa kasalukuyang liderato ng Senado.

Sa usapin naman ng flood control projects, sinabi ng mayorya na dapat lamang ipagpatuloy ang mga imbestigasyon upang mabusisi ang mga alegasyon ng anomalya.

Naniniwala rin silang may ilang personalidad na nangangambang mabuksan muli ang isyu dahil maaaring may mga bagong impormasyon na lumitaw.

Ipinagtanggol din ng mga kaalyado ni Cayetano ang kanyang paglalabas ng mga vlog na naging sentro rin ng kritisismo mula sa ilang senador.

Ayon sa kanila, matagal nang ginagamit ni Cayetano ang naturang plataporma upang direktang maipaliwanag sa publiko ang mga isyu sa Senado at ang kanyang mga paninindigan bilang mambabatas.

Sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot, nanawagan ang mayorya sa kanilang mga kasamahan na ituon ang atensyon sa mga polisiya at pambansang usapin sa halip na sa personal na bangayan.

“Ang trabaho ng senador ay gumawa ng batas at magsuri ng mga isyu, hindi ang magpaligsahan sa paggawa ng ingay,” ayon sa isang miyembro ng Majority Bloc.

137

Related posts

Leave a Comment