OBSTRUCTION OF JUSTICE ISINAMPA VS CAYETANO, ROBIN, APLASCA

NAGHAIN ang grupong TINDIG Pilipinas ng reklamong obstruction of justice sa Office of the Ombudsman laban kina Senate President Alan Peter Cayetano, Senador Robin Padilla at suspendidong Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Kaugnay ito ng umano’y naging papel ng mga opisyal sa pagtulong kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makaiwas sa pag-aresto sa loob ng Senado sa kabila ng inilabas na arrest warrant laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).

Ayon sa grupo, ang reklamo ay bunga ng pagkabahala ng publiko sa mga ulat na posibleng may naging partisipasyon ang mga opisyal upang maisagawa ni Dela Rosa ang umano’y pagtakas.

Sinabi ni Kiko Aquino Dee na layunin ng reklamo na igiit ang prinsipyong walang sinoman ang nakahihigit sa batas.

Aniya, hindi dapat gamitin ang pampublikong posisyon bilang pananggalang laban sa pananagutan.

Naniniwala rin siya na ang pagbibigay-proteksyon sa mga kaalyado at paggamit ng kapangyarihan upang maiwasan ang pananagutan ay pagtataksil sa tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan.

Binigyang-diin naman ng mga complainant, na kinabibilangan ng human rights advocates, pamilya ng mga biktima ng war on drugs, akademiko at iba pang sektor, na hindi lamang tungkol sa isang tao ang kanilang isinampang kaso.

Ayon sa kanila, layunin din nitong mapangalagaan ang integridad ng mga pampublikong institusyon at matiyak na hindi naaapektuhan ng pulitika ang pagpapatupad ng pananagutan.

Dahil dito, nanawagan sila sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng patas at malayang imbestigasyon upang mapanagot ang sinomang mapatutunayang humadlang sa proseso ng batas at pagkamit ng katarungan.

84

Related posts

Leave a Comment