PINATAWAN ng disciplinary action ng Kamara si Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay dahil sa kanyang kontrobersyal na pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis-Smith.
Sa pagpapatibay ng Committee Report No. 299, bumoto ang Kamara ng 263 pabor, walong tutol at pitong abstention upang katigan ang rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges.
Ayon sa komite, nagkasala si Suntay ng disorderly behavior at conduct unbecoming of a member of Congress dahil sa kanyang mga naging pahayag noong pagdinig ng House Committee on Justice noong Marso 3, 2026 at sa mga kaugnay na komento niya sa social media.
“After deliberation on the cases, the Committee found Quezon City 4th District Rep. Jesus ‘Bong’ C. Suntay guilty of disorderly behavior for uttering inappropriate or improper statements during the March 3, 2026 hearing of the House Committee on Justice, as well as for related statements made on social media,” ayon sa ulat ng panel na pinamumunuan ni 4PS Party-list Rep. JC Abalos.
Inirekomenda ng komite na pagsabihan o i-reprimand si Suntay alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng Kamara.
Bukod dito, inatasan din siyang magsagawa ng voluntary community service, dumalo sa gender sensitivity seminar na pangangasiwaan ng House Committee on Women and Gender Equality, at maglabas ng pampublikong paghingi ng paumanhin kay Anne Curtis-Smith at sa lahat ng kababaihan sa pamamagitan ng isang pahayag na babasahin sa telebisyon o broadcast media.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos sabihin ni Suntay sa pagdinig:
“Lastly, alam mo minsan nasa Shangri-la ako nakita ko si Anne Curtis ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga…”
Agad itong inulan ng pagtutol mula sa mga mambabatas kaya ipinabura sa opisyal na rekord ng pagdinig.
Gayunman, sinabi ng Ethics Committee na hindi nabura ng pagtanggal sa transcript ang naging epekto ng naturang pahayag.
Binigyang-diin ng komite na walang lugar sa lehislatura ang mga pahayag na bastos, may malisya at may sexual undertones laban sa sinuman.
Ayon pa sa komite, nilabag ni Suntay ang Section 141(a) ng House Code of Conduct na nag-aatas sa mga miyembro ng Kamara na kumilos sa paraang nagbibigay dangal at kredibilidad sa institusyon.
Sa pagdinig ng Ethics Committee, inamin ni Suntay ang kanyang mga sinabi at humingi ng paumanhin sa mga taong nasaktan at nainsulto sa kanyang pahayag.
Sa pinal na desisyon, ipinaalala ng komite na inaasahang susunod ang mga pampublikong opisyal sa mas mataas na pamantayan ng asal at propesyonalismo sa lahat ng pagkakataon.
(TINA MENDOZA)
54 