P85 MINIMUM WAGE HIKE SA NCR TINIYAK NA HINDI MAUUDLOT

WALANG plano si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin ang P85 daily minimum wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Ito ang nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng panawagan ng ilang grupo na ipagpaliban ang pagpapatupad ng wage hike.

“Hindi po. Wala pong suspension, wala pong paghihinto po dito. Tuluy-tuloy po ito,” ani Castro.

Dagdag pa niya, wala ring natatanggap na kahilingan mula sa private sector para suspendihin ang wage increase.

“Wala pong naipaabot sa atin kung may nag-request mula sa private sector pero wala pong utos na ito po ay suspended,” dagdag niya.

Nauna nang nanawagan ang Foundation for Economic Freedom (FEF) sa pamahalaan na suspendihin at muling suriin ang P85 minimum wage hike sa Metro Manila sa ilalim ng Wage Order No. 27 dahil sa posibleng negatibong epekto nito sa ekonomiya.

Ayon sa FEF, bagama’t layunin nitong matulungan ang mga manggagawa, maaari itong magdulot ng pagtaas ng cost of living, pagbawas sa hiring, at pagpapaikli ng operating hours ng ilang negosyo, na makaaapekto sa mga naghahanap ng trabaho.

(CHRISTIAN DALE)

107

Related posts

Leave a Comment