ITINUTURING ng National Bureau of Investigation (NBI) na banta sa pambansang seguridad ang anomang pagbabanta sa buhay ng Pangulo ng bansa.
Ito ang binigyang-diin ni NBI Director Atty. Melvin Matibag sa kanyang pagtestigo sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kinumpirma rin ni Matibag ang pagbuo ng isang Special Task Force upang ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga kasong grave threats at inciting to sedition laban sa bise presidente kaugnay ng umano’y pagbabanta nito kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Matibag, binuo ang task force dahil ang anumang banta sa Pangulo ay maaaring magdulot ng kaguluhan, ligalig, at destabilisasyon sa pamahalaan at sa bansa.
Sa pagdinig, inilahad ng prosecution ang limang batayan ng NBI sa pagbuo ng task force: pattern ng karahasan, bigat ng insidente, pagkakakilanlan ng sangkot, kakayahang isagawa ang banta, at motibo.
Kabilang sa mga ebidensyang iniharap ang video ng RAGE Coalition rally noong Abril 12, 2026 kung saan sinabi ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na “isang ulo lang ang kailangan” at tinukoy si Pangulong Marcos, gayundin ang video ng press conference ni Vice President Duterte noong Oktubre 18, 2024 at mga affidavit nina NBI Agent Edgar Apolonio at Arturo Lascañas.
Ayon kay Matibag, batay sa kanilang imbestigasyon at obserbasyon, hindi lamang banta kundi isang plano ang naturang mga pahayag. Ipinakita rin sa pagdinig ang video ng pananapak ni Duterte sa isang sheriff noong siya ay Vice Mayor ng Davao City noong 2011 bilang bahagi ng pagtatangkang maipakita ang umano’y pattern of violence at kakayahang isakatuparan ang pagbabanta.
(DANG SAMSON-GARCIA)
124 