IBINASURA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inilabas na video ng China kaugnay ng komprontasyon sa Ayungin Shoal, iginiit na putol at hindi nito ipinakita ang buong pangyayari.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi ipinakita sa video ng Chinese Embassy in Manila ang paglapit ng mga bangka ng China Coast Guard (CCG) sa BRP Sierra Madre bago naganap ang komprontasyon.
“What they released was a spliced or incomplete part of the video. If they start at the very beginning, you would see that their ship, their boats came into close proximity of BRP Sierra Madre,” ani Trinidad.
Sinabi ng AFP na dalawang bangka ng CCG ang lumapit sa layong 20 hanggang 30 metro mula sa BRP Sierra Madre habang kumukuha ng litrato at video, kaya napilitang kumilos ang mga tauhan ng Philippine Navy sakay ng rubber boats upang itaboy ang mga ito.
“The action of our rubber boats was merely to drive them away. It was not confrontational, it was defensive in nature, it was within the rules of engagement,” dagdag ni Trinidad.
Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela na isang provokasyon ang pagpasok ng dalawang CCG rigid-hulled inflatable boats sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Noong Hulyo 20, dalawang Pilipinong sundalo ang nasugatan sa insidente matapos umanong hampasin ng baton ng mga tauhan ng China Coast Guard.
Iginiit naman ng China Coast Guard na ang panig ng Pilipinas ang unang umatake at nagsagawa lamang sila ng “proportional countermeasures,” habang sinabi ng Chinese Embassy na may soberanong karapatan ang China sa pinagtatalunang lugar.
(JESSE RUIZ)
136 