PATULOY ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co na tatlong grupo pa lamang ang nabigyan ng permit upang magsagawa ng rally sa araw ng SONA.
Kabilang dito ang grupong BAYAN, na magsasagawa ng kilos-protesta sa harap ng St. Peter Parish Church sa Commonwealth Avenue mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Pinayagan din ang SANLAKAS na magdaos ng programa sa Commonwealth Avenue simula alas-1:00 ng hapon, habang ang Better Brighter ay magtitipon sa Commonwealth Avenue malapit sa Commission on Audit (COA) at Sandiganbayan mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon kay Co, inaasahan pang madaragdagan ang mga grupong mabibigyan ng permit habang papalapit ang SONA.
Kaugnay naman ng pasasalamat na aktibidad ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nakatakda rin sa araw ng SONA, sinabi ni Co na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa pamunuan ng INC.
Samantala, itataas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang buong puwersa nito simula alas-5:00 ng hapon ngayong Biyernes, Hulyo 24, bilang bahagi ng seguridad para sa SONA.
(TOTO NABAJA)
71 