DEATH PENALTY SA PLUNDER ISINUSULONG NG VACC

ISINUSULONG ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang muling pagpapatupad ng parusang kamatayan para sa kasong plunder.

Ayon kay VACC President Arsenio “Boy” Evangelista, maituturing na pagsabotahe sa ekonomiya ang pagnanakaw ng pondo ng bayan kaya nararapat lamang na patawan ito ng pinakamabigat na kaparusahan.

Inamin ni Evangelista na mahirap maisulong ang panukala dahil maaaring maapektuhan maging ang mga mambabatas, ngunit iginiit niyang kinakailangan na itong isabatas.

Kinuwestyon din niya ang umano’y pagmaniobra ng ilang opisyal ng pamahalaan sa isyu ng flood control scandal. Aniya, tila may pagtatangkang hindi umabot sa korte ang kaso upang makaiwas sa pananagutan ang mga responsable.

Sinabi rin ni Evangelista na hanggang ngayon ay nananatiling hindi nasasagot kung sinu-sino pa ang iba pang sangkot at kung sino ang mas mataas kay dating Congressman Zaldy Co na umano’y nagbulsa ng pondo para sa flood control.

Umaasa rin ang VACC na tatalakayin ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalimang SONA ang panukalang ibaba ang age of criminal responsibility.

Sa press conference ng VACC, nagpahayag si Evangelista ng suporta sa panukalang ibaba sa 10 taong gulang ang age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15 taong gulang.

Umaasa rin ang VACC na tatalakayin ng Pangulo ang pag-amyenda sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 o maglabas ng executive order kaugnay ng isyu, kasunod ng pamamaril sa Tacloban City.

Ayon sa pag-aaral ng VACC, 10 taong gulang din ang age of criminal responsibility sa ilang first-world countries tulad ng Australia at New Zealand.

Iginiit pa ni Evangelista na dapat ding repasuhin ang sistema ng rehabilitasyon ng mga Children in Conflict with the Law (CICL), kabilang ang kakayahan ng mga personnel na nangangasiwa sa kanila at ang pagpapatupad ng reporma sa mga Bahay Pag-asa.

Aniya, makalipas ang halos 20 taon mula nang maisabatas ang Juvenile Justice and Welfare Act, malaki na ang ipinagbago ng pag-iisip at pag-uugali ng mga kabataan dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

Noong nakaraang taon, binigyan ng VACC ng 8 sa 10 na marka ang SONA ni Pangulong Marcos.

(JULIET PACOT)

60

Related posts

Leave a Comment