NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maibalik sa maayos na kalagayan ang relasyon ng Pilipinas at China matapos ang kamakailang insidente sa Ayungin Shoal.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos ipatawag ng Pangulo sa Malacañang si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan upang talakayin ang patuloy na pangamba ng Pilipinas sa mga kilos ng Beijing sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Castro, layunin ng Pangulo na hindi na maulit ang mga nagdaang insidente at magkaroon ng “reset” sa ugnayan ng dalawang bansa.
Aniya, nais ni Pangulong Marcos na maresolba ang mga umiiral na isyu sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap.
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng mga naging pahayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tumutuligsa sa China at tumutukoy sa umano’y kakulangan ng tiwala sa pagsunod nito sa international law.
Gayunman, sinabi ni Castro na magkaiba ang pananaw at papel ng Pangulo at ng Kalihim ng Tanggulang Pambansa.
Ipinaliwanag niyang bilang pinuno ng estado, kailangang panatilihin ng Pangulo ang maayos na pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng ibang bansa.
Ayon pa kay Castro, positibo ang naging pulong nina Pangulong Marcos at Ambassador Jing na tumagal ng isang oras at 20 minuto.
Sinabi rin niyang mahalaga ang pagkakaroon ng good faith sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa upang magkaroon ng maayos na pag-uusap at diplomasya.
(CHRISTIAN DALE)
78 