DOUBLE APPROPRIATIONS SA INFRA PROJECTS SA TAGUIG NATUKLASAN

BUKOD sa umano’y ghost projects, ibinunyag ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na may natuklasan din silang posibleng double appropriations sa iisang proyekto sa Taguig City.

Sinabi ni Lacson na may tatlong karagdagang slope protection projects na nagkakahalaga ng P100 million ang nakita nila sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.

Kaya naman umakyat na sa P2.285 billion ang kabuuang budget insertions para sa Taguig City na balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Una nang kinumpirma ni Lacson na may nasilip silang dalawang posibleng ghost infrastructure projects.

Sinabi rin ni Lacson na kwestyonable rin ang ilang proyekto sa lungsod na naibigay sa mga kumpanyang pag-aari ng mga Discaya subalit ipinatupad ng ibang kontraktor kapalit ng 5 percent royalty scheme.

Nagbabala pa si Lacson na hindi niya titigilan ang imbestigasyon sa mga proyekto hangga’t makakuha ng logical conclusion matapos atakihin ni Cayetano ang kanyang integridad.

Flood Control Hindi Matatabunan

Samantala, tiniyak ni Senador JV Ejercito na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado sa flood control scam at hindi ito tatabunan ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Ejercito ang pahayag kasunod ng paratang ng ilang grupo na ginagamit ang impeachment trial para matakpan o mahinto ang pagsisiyasat sa katiwalian sa flood control projects.

Sinabi ng senador na malinaw na hindi pa tapos ang imbestigasyon sa anomalya dahil may mga tinutumbok pa silang mga dapat managot partikular sa pagnanakaw sa pondo ng bayan bukod pa sa in aid of legislation ang pagdinig.

Nauna na ring tiniyak nina Senador Panfilo Lacson at Senador Erwin Tulfo na didinggin muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang flood control scam.

Gagawin ito sa pagbabalik sesyon ng Senado sa susunod na Linggo

Idinagdag ni Ejercito na nakaabang rin sila sa pagtupad ng Ombudsman sa pagsasampa nng kaso laban sa walong congtractors o kongresistang kontratista umano ng flood control projects.

(DANG SAMSON-GARCIA)

83

Related posts

Leave a Comment