Sa makasaysayang kampanya sa Wimbledon KAMARA PINARANGALAN SI ALEX EALA

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang House Resolution No. 1190 bilang pagkilala kay Alexandra “Alex” Eala sa kanyang makasaysayang kampanya sa Wimbledon Championships, kasabay ng panibagong malaking tagumpay ng Filipina tennis star sa internasyonal na torneo.

Kinilala sa resolusyon si Eala bilang kauna-unahang Pilipino na umabot sa Round of 16 ng isang Grand Slam singles tournament sa Wimbledon.

Kasabay ng pagpapatibay ng resolusyon, tinalo ni Eala ang defending champion ng Washington Open na si Leylah Fernandez upang umabante sa quarterfinals, na lalo pang nagpatingkad sa itinuturing na pinakamahusay na season ng isang Pilipinong tennis player.

Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, at Minority Leader Marcelino C. Libanan ang resolusyong kumikilala sa makasaysayang kampanya ni Eala sa Wimbledon.

Binigyang-diin sa resolusyon ang kanyang mga panalo laban kina Renata Zarazúa, Maya Joint, at defending champion na si Iga Świątek, bago nagtapos ang kanyang kampanya sa fourth round matapos matalo kay Jasmine Paolini.

Kinilala rin ng Kamara ang naging matagumpay na grass-court season ni Eala, kabilang ang pagkapanalo sa Women’s Tennis Association (WTA) 125 Birmingham tournament at pag-abot sa semifinals ng Berlin Tennis Open.

Binalikan din sa resolusyon ang paglalakbay ni Eala mula sa pangarap nitong maging tennis player sa edad na apat hanggang sa pagiging isa sa pinakamahuhusay na batang atleta ng bansa.

Kabilang sa mga kinilalang tagumpay ang pagkapanalo niya ng Li Na Inspiration Award sa edad na 11, Les Petits As tournament sa France sa edad na 12, at ang kanyang scholarship sa Rafa Nadal Academy sa Mallorca, Spain, kung saan siya nagtapos noong 2023.

Tinukoy rin ang kanyang mga titulo sa 2021 French Open girls’ doubles, 2022 US Open girls’ singles, 2025 Lexus Eastbourne Open, at 2025 Guadalajara 125 Open, na naging daan sa kanyang makasaysayang pag-abot sa Wimbledon Round of 16.

Ayon sa Kamara, sa edad na 21 ay patuloy nang nagbibigay ng karangalan si Eala sa bansa at nagsisilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.

Binanggit din sa resolusyon ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Eala ay “nagsisimula pa lamang,” kasabay ng personal nitong motto na, “Kapag lumago, hindi na hihinto.”

Nauna nang pinuri ni Speaker Dy si Eala sa kanyang tagumpay sa Wimbledon.

“Congratulations, Alex! Once again, you have made your kababayan proud. Sa bawat panalo mo, ipinapakita mo sa buong mundo ang husay, tapang, at determinasyon ng Pilipino,” ani Dy.

“Hindi ka lamang nananalo sa mga laban—pinapanalo mo rin ang puso ng mga tao sa buong mundo at nagbibigay-inspirasyon sa napakaraming kabataang Pilipino na mangarap nang malaki at maniwala sa kanilang kakayahan,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng resolusyon, isang kopya nito ang ipagkakaloob kay Eala bilang pagkilala sa kanyang mga naging tagumpay at ambag sa larangan ng palakasan.

100

Related posts

Leave a Comment