HANDA ang Department of Justice (DOJ) na suriin ang mga kasunduan at legalidad ng Pax Silica initiative kung kinakailangan, kasunod ng mga pangamba ng ilang sektor hinggil sa transparency at posibleng epekto nito sa mga komunidad.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, nananatili muna itong usaping pang-ekonomiya at nasa ilalim ng mga ahensyang may direktang mandato sa proyekto.
Gayunman, sinabi niyang nakahanda ang DOJ na busisiin ang mga legal at konstitusyonal na usapin kaugnay ng inisyatiba sakaling ito ay mapasailalim sa hurisdiksyon ng kagawaran.
Ang Pax Silica ay isang U.S.-led international coalition na inilunsad noong Disyembre 2025 upang palakasin ang global supply chains para sa semiconductors, artificial intelligence (AI) at critical minerals.
May ilang sektor ang nagpahayag ng pangamba na maaaring malimitahan ang papel ng mga developing countries sa mababang antas ng produksyon, tulad ng pagmimina ng raw materials, at magkaroon ng epekto sa mga lokal na komunidad at geopolitical issues.
Tiniyak naman ng DOJ na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon at kikilos kung may lilitaw na isyung legal o konstitusyonal.
Samantala, inanunsyo rin ng DOJ na malalaking kaso na lamang ng iligal na droga ang hahawakan ng Task Force on Anti-Illegal Drugs, matapos amyendahan ang Department Order No. 161 upang mabawasan ang tambak na kasong iniimbestigahan ng task force.
Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato, tututok na lamang ang task force sa mga kasong may kinalaman sa 10 hanggang 50 kilo ng iligal na droga, mga kasong sangkot ang opisyal ng gobyerno o law enforcer, may dayuhang respondent, nahuli sa airport o pantalan, at mga kasong may natuklasang clandestine drug laboratory.
Ang mga kasong hindi saklaw ng mga pamantayang ito ay ipauubaya na sa mga local prosecution office, dahil mas pamilyar ang mga ito sa sitwasyon sa kani-kanilang nasasakupan.
Nauna nang inirekomenda ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon ang pagbabago sa kautusan upang mabawasan ang dami ng kasong hinahawakan ng task force.
(JULIET PACOT)
97 