DALAWANG musmos na naglalaro sa tubig-ulan ang nalunod nang aksidenteng mapunta sa bukas na poso negro na puno ng tubig, ayon sa ulat ng Cotabato PNP.
Ayon sa mga imbestigador, nakatanggap sila ng tawag mula Barangay Concepcion hinggil sa pagkalunod ng dalawang day care students sa Purok 10, Barangay Concepcion, Makilala sa lalawigan ng Cotabato.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, pauwi na sa kanilang bahay ang dalawang paslit na may edad na apat at limang taong gulang, nang makatuwaang maglaro sa ulan.
Sa impormasyon ibinigay ni Barangay Concepcion Chairman Rey Cayare sa mga imbestigador, pauwi na ang kanyang apo at pamangkin mula sa pinapasukang Day Care Center nang makatuwaang maglaro malapit sa septic tank na puno ng tubig-ulan.
Aksidente umanong nadulas ang mga bata sa bukas na poso negro habang pinaglalaruan ang kanilang lunch boxes.
May nakakita lamang umanong residente na agad na tumawag ng saklolo sa kanilang barangay.
Agad nilang tinungo ang lugar subalit hindi na makita ang mga biktima kaya nagpasya ang ilang lalaki ang lumusong at sumisid sa tubig at doon nakuha ang mga bata.
Agad itinakbo ang dalawang musmos sa kalapit na Makilala Medical Specialist sa Makilala, Cotabato, subalit inilipat ang mga ito sa Davao Doctors Hospital sa Davao City kung saan sila nalagutan ng hininga.
(JESSE RUIZ)
104 