MARIING itinanggi ng pamangkin at administrative aide ni Tayabas City Mayor Piwa Lim na si Showtie Lim, ang kumakalat na alegasyon sa social media na umano’y sangkot siya sa kalakalan ng ilegal na droga sa lungsod.
Sa isang pahayag, sinabi ni Showtie Lim na walang katotohanan ang viral na post na nag-uugnay sa kanya sa pagtutulak ng illegal substance at sa umano’y paggamit ng impluwensiya ng alkalde upang makaiwas sa pananagutan.
Bilang patunay, nagpakita siya ng sertipikasyon mula sa Tayabas City Police Station na nagsasabing wala siyang rekord o pagkakasangkot sa anomang aktibidad ng ilegal na gamot, gayundin ng police clearance na malinis ang kanyang record.
Naglabas din ng hiwalay na pahayag ang kanyang asawa na ipinagtanggol ang kanyang pagkatao at nanawagang itigil ang pagpapakalat ng umano’y maling impormasyon ng mga gumagamit ng dummy at troll accounts sa social media.
Ayon pa kay Lim, bahagi lamang ng maagang pamumulitika at paninira sa administrasyon ni Mayor Piwa Lim, ang naturang mga akusasyon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang mga awtoridad kaugnay ng mga kumakalat na alegasyon laban kay Lim, at nananatiling walang opisyal na kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na isinampa laban sa kanya.
(NILOU DEL CARMEN)
114 