MARAMING DAPAT IPALIWANAG SI SEC. DUQUE HINGGIL SA PHILHEALTH

SIDEBAR

Nahaharap sa kasong graft at plunder sa Ombudsman si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III dahil sa “conflict of interest” na nag-ugat sa pag-upa ng Ilocos Regional Office ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa building na pag-aari ng pamilya ni Duque na matatagpuan sa Dagupan City.

Tatlong palapag ng Educational and Medical Development Corp. (EMDC) na pag-aari ng pamilya Duque sa Pangasinan ang matagal nang inuupahan ng PhilHealth-Ilocos regional office sa kabila ng pagiging ex-officio chairman ng PhilHealth ang kalihim.

Si Senador Panfilo Lacson ang unang nagbunyag hinggil sa “conflict of interest” na kinasasangkutan ni Duque dahil sa umiiral na lease agreement sa pagitan ng PhilHealth Ilocos regional office at ang building sa Dagupan City na pag-aari ng pamilya Duque.

Pinangunahan ng Public Attorney’s Office ang pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman ng mga pamilya na naging biktima ng Dengvaxia. Naka-attach sa kanilang 13-pahinang reklamo ang dokumento na nagpapakita na stockholder si Duque ng EMDC gayundin ang lease contract sa building na pag-aari ng EMDC.

Inakusahan si Duque na nakikinabang sa mataas na monthly rental na nagkakahalaga ng P529,261.20 dahil sa kanyang pagiging stockholder sa korporasyon.

Lumilitaw na Mayo 28, 2018 napirmahan ang lease contract na epektibo mula Enero hanggang Disyembre 2018. Na-appoint bilang DOH secretary si Duque noong Nobyembre 2017.

Ayon sa complainants, nilabag ni Duque ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act pati ang Code of Ethics for public servants dahil sa conflict of interest sa pag-upa ng PhilHealth-Ilocos region office sa EMDC building sa Dagupan City.

Binigyang-diin ng complainants ang umano’y paggamit ng posisyon ni Duque para mabigyan ng pabor ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan gaya ng nangyari sa accreditation ng WellMed Dialysis Center sa Quezon City kung saan ang may-ari nitong si Bryan Christopher Sy at kanyang inaanak at ang ama nito ay kaklase ni Duque sa medical school.

Matatandaang si Sy at mga director ng Wellmed at nahaharap sa kasong kriminal matapos maibunyag ang kanilang raket sa paggamit ng mga pangalan ng mga patay na dialysis patients para makakubra ng bayad mula sa PhilHealth. Mahigit P800,000 ang dokumentadong nakolekta ng WellMed mula sa naturang scam.

Si Senador Lacson din ang nagtanong kung bakit hindi nalaman ni Sec. Duque ang mga anomalya sa PhilHealth gayung naging president and CEO siya nito bago siya na-appoint bilang DOH secretary.

Mukhang maraming dapat ipaliwanag si Sec. Duque sa oras na magkaroon ng Senate hearing sa Hulyo. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

168

Related posts

Leave a Comment