NGITNGIT NG PAMILYA NG DENGVAXIA VICTIMS: PLUNDER COMPLAINT VS DUQUE

EARLY WARNING

Sa pagkawala ng kanilang mga anak dahil sa Dengvaxia vaccines at kawalan ng pagdamay sa kanila lalo na ng Department of Health (DOH) at ni Secretary Francisco Duque III, nasilip ang tila iregularidad na kinasasangkutan ng kalihim kung kaya’t kanila itong sinampahan ng plunder.

Sa kanilang complaint na dinagdagan pa ng ibang kaso sa paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees and Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ang gusaling nirerentahan ng PhilHealth-Regional Office ay pag-aari raw ng kanyang pamilya sa Dagupan.

Ang complainants: Ruby Hedia, Darwin at Merlyn Bataan, Sonia Guerra, Li­berty Ganzore, Raul at Elloly Galoso, Raymond Ancheta, Ma. Cecilia Torres, Danilo at Sheryl Bautista, Nelson at Edna Santos.

Sa kanilang dokumento, stockholder daw itong si Duque ng Educational and Medical Development Corp. (EMDC) na may 13,268 shares ng stocks na nagkakahalaga ng P13, 268,000.

Lumalabas na ang PhilHealth at EMDC ay nagkaroon ng contract of lease na ang effectivity ay mula noong January 1, 2018-December 31, 2018 habang si Duque ay naluklok bilang Health secretary at ex-officio chairman simula noong November 7, 2017. Ang upa ng PhilHealth sa gusali ng EMDC ay P529,261.20 kada buwan.

Kanilang ipinunto na kahit naka-leave itong si Duque bilang director-officer ng EMDC noong April 14, 2018 ay hindi pa rin daw ito sapat na dahilan upang mapawalang sala ito at hindi rin daw ito nag-divest ng ownership bilang stockholder.

Suportado mismo ni Public Attorney’s Office Chief Percida Rueda-Acosta ang complainants laban kay Duque.

‘MAHALIN NINYO ANG INYONG TRABAHO’

“Pahalagahan ninyo ang inyong trabaho at gawin ninyo ito ng tama. Hindi lahat ay nabibigyan ng karangalan at pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa,” ani Navotas Mayor John Rey Tiangco sa kanyang farewell speech.

Nagpasalamat si Ma­yor JRT sa mga kawani at ibang stakeholders na kanyang nakasama sa loob ng siyam na taon bilang alkalde.

Ang suporta ng mga taong ang dahilan ng napakalaking pag-unlad ng mga sektor ng kalusugan, edukasyon, kabuhayan, kapayapaan at kaayusan, at pabahay, aniya.

Navohimlayan at Navotaas Institute-Main

Malaking ginhawa na naman lalo sa mga mahihirap ng lungsod ang pagbubukas ng crematorium, columbarium at funeral chapel sa City Cemetery, Barangay San Jose na pinasinayaan mismo ni Ma­yor JRT kung saan libre na ang cremation at paglilibing dito.

May inagurasyon din ng Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute-Main sa Barangay NBBS Kaunlaran.

Si Mayor Tiangco ay magiging kinatawan na ng lungsod simula July 1. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

116

Related posts

Leave a Comment