(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI naitago ng isang babaing mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkairita kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pahayag ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na bata sa anti-drug operation ng mga pulis sa Rizal.
Unang sinabi ni Dela Rosa ang mga katagang “shit happens” sa police operations sa gitna ng giyera kontra illegal na droga bagay na hindi pinaglagpas ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro.
“Ang ekspresyong ” shit happens ” ay kataga ng mga taong walang konsensya at pagpapahalaga sa buhay ng bata. Itinuturing na normal at collateral damage lang ito,” pahayag ni Castro.
Magugunita na noong Hulyo 1 ay nagkaroon ng police operation sa Rizal laban sa ama ng biktimang tatlong taong gulang na si Myca Ulpina kung saan napatay ang bata.
“Umpisa pa lang shit na ang Operation Tokhang . Dapat na itong wakasan,” ayon pa sa lady solon.
Si Dela Rosa ang nagsimula sa anti-drug war ng Duterte administration mula noong 2016 bago ito naihalal na senador noong nakaraang eleksyon.
Ayon kay Castro, hindi dapat palagpasin ang pagkamatay ng batang si Myca kaya kailangan umanong mag-imbestiga ang isang independent group upang mapanagot ang mga pulis.
Ganito rin ang panawagan ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago dahil kung hindi ay lalong manganganib, aniya, ang buhay ng mga inosenteng bata sa gitna ng giyera kontra illegal na droga ng Duterte administration.
“The Duterte administration has increasingly put the lives of the Filipino children in danger. Its war on drugs dubbed as Oplan Tokhang has not only orphaned but has included children and youth in the list of the tens of thousands of innocent Filipinos it has murdered,” ani Elago.
123