(KEVIN COLLANTES)
NANANAWAGAN sa mga student riders, na nag-a-avail ng libreng sakay sa tren, ang Light Rail Transit Authority (LRTA), na huwag sirain at sa halip ay ingatan ang kanilang hawak na ‘free ride tickets.’
Ginawa ng pamunuan ng LRTA ang panawagan nang makakita ng ‘free ride ticket,’ na may punit.
“Reminder: To all student riders of LRT-2 availing of the Free ride, Please Take care of your tickets as you enjoy the free ride,” apela pa ng LRTA sa kanilang social media account.
Ayon sa LRTA, kung sisirain at pupunitin ng mga estudyante ang kanilang free ride ticket ay magdudulot ito ng karagdagang gastusin sa pamahalaan.
Hamon pa nito sa mga estudyante, na ipakitang sila ay mga mag-aaral na may disiplina at mabuting asal, sa pamamagitan nang pag-iingat sa kanilang mga hawak na tiket.
“Don’t destroy your tickets as it will entail additional cost to the government,” anang LRTA.
“Show us that you are indeed learners with discipline and manners,” panawagan pa nito. Ang LRTA ang siyang nangangasiwa sa Light Rail Transit 2 (LRT-2), na bumibiyahe mula Claro M. Recto Avenue sa Maynila hanggang sa Santolan, Pasig at pabalik.
Katuwang ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Philippine National Railways (PNR), ang LRT-2 ay nagkakaloob ng libreng sakay para sa mga estudyante sa limitadong oras sa umaga at hapon, mula Lunes hanggang Biyernes.
441