(NI DONDON DINOY)
MAGSAYSAY, Davao del Sur-Ipinag-utos na ng alkalde sa naturang bayan sa lahat ng opisyal ng mga paaralan na napinsala ng malakas na lindol na hindi muna gamitin ang mga silid aralan na nagkaroon ng bitak dahil sa magnitude 5.6 na lindol, Martes ng gabi.
Ayon kay Mayor Arthur Davin, kailangang masiguro na ligtas ang mga guro at mag-aaral kung kaya’t kinakailangang maghanap sila ng “Temporary Learning Space” (TLS).
Tatlong paaralan ang lubhang naapektuhan ng pinsala at ito ay ang Bala National High School, Tacul Agricultural High School at Salud Cagas Vocational High School kung saan kinakailangang ma-relocate ang mga mag-aaral sa mas ligtas na lugar.
Sinabi ni Davin na hindi pa sila makagbibigay ng konklusyon hangga’t wala pang lumabas na resulta ng inspeksyon na isinagawa ng mga inhenyero mula sa sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang ma-consolidate ang anumang rekomendasyon.
Sa Lunes din babalik ang klase sa Salud Cagas Vocational and Technical High School sa Barangay Bacungan, ngunit nasa 18 mga classrooms ang hindi muna magagamit kung hindi dadaan sa inspeksyon ng DPWH.
Dahil dito, ililipat sa TLS ang nasa 300 mga mag-aaral at ang barangay gym sa lugar muna ang magiging lugar ng klase habang balik-normal na ang mga elementarya at ibang sekondarya noong Huwebes.
Ipinag-utos na rin ni Davin sa kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council namaging alerto sa anumang uri ng sakuna lalo pa’t palaging dumaraan ang malakas na baha sa mga ilog nitong tag-ulan at parte na rin sa selebrasyon ng “National Disaster Resilience Month.”
157