(NI NOEL ABUEL)
WALA nang makapipigil kay Senador Ronald dela Rosa na ituloy ang laban nito sa pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa bansa kung kaya’t nais nitong isama sa K-12 program ang problema sa paggamit ng droga.
Sinabi ni Dela Rosa na hindi ito titigil sa paglaban sa bawal na droga na sanhi ng pagkasira ng maraming pamilya dahil sa pagkakalulong ng isa sa miyembro ng bawat pamilya.
Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 228, iginiit ng neophyte senator na panahon nang isama ang substance abuse prevention education mula sa 4th Grade hanggang sa 12th Grade kung saan sa pamamagitan umano nito ay matuturuan ang mga bata ng dapat gawin para makaiwas na masangkot sa illegal drugs.
“This proposed measure is a solution to the problem on drugs as evidenced by various researches which proved that introduction to drug addiction and prevention of substance abuse and its harmful effect to the young generation could drastically help combat the drug problem in many countries,” ani Dela Rosa.
Paliwanag pa ng senador na sa kasalukuyang K to 12 curriculum, isinasama ang substance abuse education sa 9th Grade kung saan ang edad na 15-anyos umano ay huli na dahil ilan sa mga ito ay nasasangkot o tumikim na ng illegal drugs.
Kung pagbabasehan umano ang Oplan Tokhang, ang pinakabatang drug surrenderee ay 7-anyos kung kaya’t dapat na ibaba sa Grade 9.
Base sa 2017 data ng Philippine Drug Enforcement Agency, nasa 4.7 million ang drug users sa bansa habang sa datos ng Dangerous Drugs Board ay tinatayang nasa 4.8 million Filipinos na may edad 10 hanggang 69-anyos ang gumagamit ng illegal drugs.
186