DAHIL magpa-Pasko na, kaliwa’t kanan na naman ang mga panloloko kasabay ng paglipana ng text scam.
Nagbabala na ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko at mag-ingat upang huwag paloloko ng sindikato.
Sinabi ng BSP na ang mga scammer ay nagpapadala ng text messages sa random phone numbers upang manloko at makahingi ng pera, makahingi ng prepaid load o makakuha ng personal na impormasyon.
Nagpapanggap ang mga scammer mula sa mga kilalang kompanya o government agency at nagsasabing ini-refer sila ng kakilala o kamag-anak.
Sinabi ng BSP na ang message ay scam kung ang notification ay nagsasabing nanalo ka sa raffle gayong wala ka namang sinasalihan lalo’t hindi kilala ang number, o kaya ay minamadali kang utusan para kunin ang yung prize.
Isa pang scam ay kung pinagdedeposito ka ng pera sa kanyang account o pinapapasa ka ng load o shipping fees.
May mga message din na hinihingi ang personal information tulad ng username, password, account number o credit card details.
Kung may mga ganitong mensahe, huwag na umanong patulan, ayon pa sa BSP.
Sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang lalong talamak ang ganitong scam ngayong Pasko dahil alam mga sindikato na maraming pera ang mga tao dahil sa Christmas bonus.
“Maging mas aware lang tayo. Mas maging mapanuri. Hindi lahat ng nare-receive natin na text ay paniniwalaan natin. I-verify nila ang sales promo permit number na nakalagay sa text sa DTI website,” ayon kay Usec. Ruth Castelo of the Consumer Protection Group, DTI.
186