Nagdaan na naman ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte nito lamang Lunes, July 22. Ngunit, nasagot ba ng mahabang pahayag ng pangulo ang mga isyu na bumubulabog sa taumbayan?
Unang-una na usapin pa rin ang laganap na kahirapan. Malaki ang bilang ng walang trabahong regular. Kung may trabaho man, kulang ang sahod ng manggagawa para makaagapay sa nagtataasang bayarin at presyo ng bilihin.
Wala ring sinabi ang pangulo sa lumalalang mga paglabag sa karapatang pantao, tulad ng mga pagpatay kaugnay ng madugong kampanya laban sa droga, na umani ng batikos hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Wala rin itong binanggit sa mga pagpatay sa mga magsasaka, manggagawa, katutubo, mga abogado, at iba pang mamamayan sa ngalan ng kanilang programa laban sa kanyang mga kritiko.
Wala ring binanggit kung paano igigiit ng mamamayang Filipino ang soberanya nito laban sa mapanghimasok at mapanirang galaw ng China sa ating mga katubigan, gayundin sa mga pinasok nitong mga kasunduan at kontrata sa China. Hindi naibsan ang pangamba ng mamamayan na unti-unting pagsakop ng China sa ating mga teritoryo, likas na yaman, at ekonomiya.
Tuluy-tuloy lang sa pagpapaikot sa mamamayan ang mahabang talumpati ng pangulo. Ngunit ang malinaw, papalala ang lagay ng mamamayang Filipino. Sa labas ng Batasang Pambansa ay nasa 50,000 mamamayan ang nagmartsa upang ipakita ang kanilang diskontento at galit sa walang tigil na patayan, papalalang kahirapan, at ang matinding galit ng mamamayan sa pagpapakatuta ni Presidente Duterte sa China.
Galit ang mamamayan na sa kabila ng pambubusabos sa 22 mangingisda na binangga ng bangkang Tsino sa Recto Bank, ay walang ginawang aksyon ang gobyerno upang singilin ang mga may-sala.
Sa halip, tinatakot ni Pangulong Duterte ang mga Filipino na mauuwi sa giyera ang anumang paggiit natin sa ating teritoryo at karapatan. Ngunit ang totoo, duwag at tali lang ang kamay ng gobyernong Duterte laban sa China. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
119