Nagbabala ang isang mambabatas sa Kamara na posibleng magkaroon ng mass retirement sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil sa bagong sistema sa pensyon na isinusulong ng Department of National Defense (DND) sa mga retirees at active personnel.
Ayon kay Magdalo party-list Rep. Gary Alejano, dismayado ang mga aktibong miyembro ng AFP at PNP dahil dehado umano ang mga ito sa bagong sistema ng kanilang pensyon.
“I have received information that officers and personnel of both the AFP and the PNP did not positively support the proposed measure. It has negatively affected the morale of our soldiers. Many even considered retiring early so that they will not be covered by the new pension system being proposed,” ani Alejano.
Sa ilalim ng bagong pension system na nais ipatupad ng DND, imbes na 56 anyos ang retirement ages ng mga uniform personnels ay gagawin na itong 60 anyos at kailangang naka-20 taon ang mga ito sa serbisyo.
Nangangahulugan aniya na kailangang maghintay ang mga retirees hanggang sumapit ang kanilang edad sa 60 anyos bago nila mapakinabangan ang kanilang isinakripisyo sa serbisyo.
Maliban dito, sinabi ni Alejano na katumbas ng 18 buwan na lamang umano ang matatanggap ng mga retirees na lump sum kapag nagteriro na ang mga ito kumpara sa kasalukuyang 36 buwan.