(NI NOEL ABUEL)
NAKAHINGA nang maluwag si Senador Sonny Angara sa pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa utos nitong ipasara ang lahat ng lotto outlets sa bansa bunsod ng ulat ng katiwalian dito.
Ayon kay Angara, nakatitiyak itong maganda ang idudulot ng operasyon ng lotto outlets dahil sa malaking tulong ito para sa pagsasakatuparan ng Universal Health Care Act at iba pang programa ng gobyerno.
Mahalaga aniyang matiyak ang pagkukunan ng pondo para sa malalaking proyekto ng gobyerno upang makapagpatuloy at higit na marami ang matulungan.
“Nagpapasalamat tayo sa desisyon ng Pangulo na ipagpatuloy na ang operasyon ng lotto. Wala nang panganib na magkakaaberya ang pagpapatupad ng Universal Health Care Act at iba pang mga programa ng gobyerno para sa ating mga kababayan dahil sa kakulangan ng pondo,” ayon kay Angara.
Tugon din umano ito para sa kahilingan ng mga lotto operators at outlet workers na nawalan ng trabaho, mula nang ipasara ang gaming operations.
Sa kabilang banda, umaasa si Angara na ipagpapatuloy ng Pangulo ang paghahabol sa mga dawit sa korapsiyon sa PCSO.
“We are confident the President will deliver on his vow to crackdown on corruption within the PCSO in order to plug the leakages and ensure that all funds are being used for benefit of the Filipino people. Suportado po natin ang Pangulo sa giyera laban sa korapsiyon at mga katiwalian sa pamahalaan,” pahabol pa ni Angara.
Sinabi naman ni Senador Lito Lapid na ang muling pagbubukas ng operasyon ng lotto sa buong bansa ay patunay na umuusad ang ginagawang imbestigasyon ng Pangulo tungkol sa anomalya sa PCSO.
“Maganda ito para sa marami nating kababayan na umaasa sa lotto bilang kanilang kabuhayan pati na rin sa pondong ipinapasok nito sa kaban na siyang pinagkukunan para ibigay sa mga pasyenteng tinutulungan ng PCSO. Kasama ako sa maraming naghihintay na matapos ang imbestigasyong ginagawa at malaman kung sinu-sino ang mga personalidad na nasa likod ng kurapsiyon sa PCSO,” sabi ni Lapid.
Gayundin, hinihintay na rin umano ng nakararami ang direksyon ng administrasyon ni Pangulong Duterte hinggil sa Small Town Lottery (STL), Peryahan ng Bayan at Keno kung nais pa rinng ipagpatuloy sa kabila ng mga kontrobersyang bumabalot dito.
153