(NI NOEL ABUEL)
NAPAPANAHON nang isulong ang pagpapataw ng parusa sa nagpakalat ng maling balita at impormasyon sa internet at iba pang social media platforms.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III kasunod ng pag-amin ng isang nagpakilalang
blogger na ginagamit nito ang social media para atakehin ang isang personalidad.
“Maraming tao ang nabibiktima ng maling balita o impormasyon. Ano ang proteksyon natin sa mga paid hacks? Paano matatanggal ang maling impormasyon?” ayon kay Sotto.
Inihalimbawa pa nito ang kaso ni Dennis Borbon, na nagpakilalang anti-Duterte blogger, na nagsabing binayaran umano ito ng chief of staff ni dating senador Paolo Benigno Aquino ng halagang P20,000 hanggang P40,000 kada buwan para siraan ang mga kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magugunitang si Borbon ay isa sa tatlong naaresto ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa Malabon City dahil sa pagpapakilalang isang politiko sa katauhan ni Camarines Sur 4th District Representative Arnulf Fuentebella at nangikil na pera kay Senador Bong Go at Cavite Vice Governor Jolo Revilla.
Sa inihaing Senate Bill No. 9, o ang An Act Prohibiting the Publication and Proliferation of False Content on the Philippine Internet, Providing Measures to Counteract its Effects and Prescribing Penalties Therefore, sa oras na maipasa ay mangyayari nang maparusahan ang lahat ng nasa likod ng fake news na may kaharap na pagkakakulong at multa.
Aniya sa survey ng Social Weather Survey sa ikaapat ng bahagi ng 2017 at unang bahagi ng 2018 ay taon, 67 porsiyento ng mga Filipino na gumagamit ng internet ang nagsabing seryoso nang problema ang mga lumalabas na fake news sa websites.
Sa ilalim ng panukala, sinumang mapapatunayanf nag-publish ng pekeng impormasyon sa internet ay mahaharap sa multang aabot sa P300,000 at kulong pa.
Samantalang sinumang gagawa ng pekeng online account o website ay mahaharap sa multang P500,000 at kulong.
At sinumang mapapatunayang nagpi-finance ng pekeng account para makapanloko ay pagmumultahin ng P1 milyon maliban pa sa pagkakakulong.
177