BAGONG PANANAW PARA SA OWWA BENEFITS NG OFWs, ISUSULONG

AKO OFW

Nitong nakaraan Huwebes ay ginanap ang regular na pagpupulong ng OWWA Board of Trustees upang talakayin ang pagpapalakas ng mga programang may kinalaman sa paghahanda sa pagbabalik ng Pilipinas ng ating OFWs o ang mas kilala sa tawag na Reintegration Program.

Sa tuwing magsisimula ang pagpupulong ay inilalahad sa aming mga miyembro ng Board of Trustees ang mga kasalakukuyan at mga magaganap na programa. Kabilang na rito an statistics o numero ng mga nabiyayaan ng mga programa ng OWWA.

Isa sa nakatawag ng pansin sa akin ay ang lumalaking bilang ng mga nabiyayaan ng Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay program para sa distressed workers. Umabot na kasi sa 14,333 ang distressed workers ang nabigyan ng P20,000 para makapagsimula ng kanilang hanapbuhay sa Pilipinas.

Kung titignan sa pananaw ng OWWA ay maituturing na ito ay isang ganap na tagumpay, dahil mara¬ming miyembro ang tunay na nabiyayaan o naki¬nabang sa programang ito. Ngunit bilang isang OFW Advocate, ay nalulungkot ako sa bilang na ito.

Sa aking pananaw, ang pagdami ng bilang ng nabenepisyuhan nito ay nangangahulugan lamang ng paglobo rin ng bilang ng OFWs na namamaltrato at nabibiktima ng mga mapang-abusong amo. Idagdag pa rito ang mga taong mapagsamantala sa sistema na aking inilantad sa nakaraang kolum na kung saan ang ahente at ang OFW ay nagsasabwatan upang ilang buwan pagdating sa ibang bansa ay magsusumbong agad at hihiling na mapauwi agad dahil diumano ay minamaltrato, gayung ang pakay pala ay makuha ang benepisyo na Balik-Pinas, Balik-Hanap-Buhay gayundin ang paghahabol sa NLRC para sa “unexpired portion” ng kontrata.

Kaya ang aking imumungkahi sa aking mga kasama sa OWWA Board of Trustees ay bigyan din ng pansin ang mas maraming OFW na hindi naging biktima ng pagmamaltrato o pang-aabuso o mga OFW na hindi man lang nabiyayaan ng iba pang serbisyo.

Isa sa aking isusulong ay ang pagkakaloob ng loan sa halagang P20,000 na walang kolateral para sa mga OFW na nakaabot ng 5 taon sa ibang bansa. Ang loan na ito ay maaaring gamitin sa pagsisimula ng isang munting negosyo, pambayad sa matrikula ng kanilang anak o para sa pagpapagamot ng kanilang sarili o ng kanilang pamilya. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

269

Related posts

Leave a Comment