(NI NOEL ABUEL)
NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senador Pia S. Cayetano sa ibinebentang flavored alcoholic drinks na tinatawag na “alcopops” na maaaring mabili ng mga kabataan.
Ayon sa senador, pagpapaliwanagin nito ang distributors at sellers ng nasabing flavored alcoholic dahil sa unethical at illegal marketing schemes na ginagamit nito para maengganyo ang mga kabataang bumili ng kanilang produkto.
“I was very bothered when I found out about it. It’s packaged in a very colorful packaging that is very attractive to kids,” ani Cayetano.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Ways and Means Committee, ipinakita ng Department of Finance (DOF) ang natitirang tax packages sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) kung saan daragdagan ang singil sa excise tax sa lahat ng alcohol products.
Partikular na ikinabahala ng senador ang patuloy na pagdami umano ng bilang ng mga tao na bumibili ng ‘alcopops’.
Sa datos umano ng DOF, aabot sa P69 milyon ang ginastos ng mga Filipino sa ‘alcopops’ noong 2018, na halos doble sa P30 milyon nakonsumo noong 2017.
Inihalimbawa pa ni Cayetano ang isang brand ng alcopops na ibinebenta sa halagang P25 kada 200 ml pack na naglalaman ng alcohol content na 7 percent.
Nababahala ang senador na maging ang mga kabataan ay maaaring makabili nito dahil sa nakikita ito sa mga groceries at nabebenta rin sa online.
Kinalampag ng senador ang Food and Drug Administration (FDA) para alisin sa merkado ang nasabing inumin.
“We’re trying to sell a product that has 7 percent alcohol and is packaged to make it very attractive to children. It is unethical and unlawful,” giit nito.
162