(NI BERNARD TAGUINOD)
TILA wala nang urungan ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga nakakalasing na inumin matapos pagtibayin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukalang batas.
Sa botong 184 yes vote, 3 ang no vote at isang abstention, pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 1026 na magtataas ng buwis sa mga lahat ng alak sa bansa.
Tanging ang bersyon na lamang ng Senado ang hinihintay para tuluyang maging batas ang panukalang ito at maipatupad sa susunod na taon o sa 2020 kung saan gagamitin umano ang malilikom na pondo sa kalusugan ng mamamayang Filipino.
Sa ilalim ng nasabing panukala, simula Enero 2020, ay magiging 22% ad valorem tax ng mga alcohol product at specific tax na P30 per proof liter kung saan hindi pa kasama dito ang value added tax (VAT).
Sa 2021 ay magiging P40 ang specific tax per proof liter ng mga alak at magiging P45 sa 2022 habang mula 2023 ay madagdagan ng 7% ang ad valorem tax at specific tax.
Maging ang sparkling wine ay magiging 15% na ang ad valorem tax ng mga ito bawat litro at specific tax na P656 per liter at madaragdagan din ng 7% sa mga susunod na taon.
Sa mga distilled at carbonated wines, magiging P60 per liter ang sisingilin buwis sa 2020 at 7% dagdag kada taon simula 2021 habang ang mga fermented liquors at alcopops ay magiging P32 per liter ang buwis sa 2020, P34 sa 2021 at P36 sa 2022 at 7% dagdag mula 2023.
Kasama rin sa panukala ang pagpapataw ng buwis sa vape na usong-uso ngayon sa bansa kapalit ng sigarilyo.
150