P61/DAY UMENTO SA GOV’T WORKERS, MALIIT

teachers44

(NI BERNARD TAGUINOD)

TULAD ng inaasahan, barya lang ang ibibigay na umento sa may 1.2 million sibilyang empleyado ng gobyerno sa susunod na taon dahil aabot lamang ito sa P61 kada araw.

Ito ang pagtataya ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list na kinakatawan ni Rep. France Castro sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil P31 Billion lamang ang inilaan para sa salary increase ng mga empleyado ng gobyerno.

Isa ang nasabing halaga sa nilalaman ng 2020 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion para gamitin sa pagtaas ng sahod ng mga government workers.

Ayon kay ACT chairperson Joselyn Martinez, kung hatiin ang P31 Billion sa 1.2 Million empleyado ng gobyerno, P1,845 lang ang maidaragdag sa sahod ng mga state workers kada buwan o P61 kada araw.

Kasama sa mga bibigyan ng umento ang may 800,000 public school teachers kaya dismayado si Martinez dahil hindi umano ito makabubuhay.

“The teachers are very disappointed. This is not what President Duterte has promised us. This amount does not even fit the definition of ‘enough to tide us over.’ We need substantial salary increase, not crumbs. This is unacceptable,” ani Martinez.

Unfair aniya ito dahil gumastos ang Duterte administration ng P76 Billion sa dagdag na sahod ng may 300,000 pulis at military sa nakaraang mga taon kung saan dumoble ang sahod ng mga ito.

10K PULIS SA 2020

Samantala, kasama rin sa pinondohan sa 2020 national budget ay ang P3 Billion na gagasutin sa  pagkuha ng karagdagang 10,000 police officer 1 o police corporal  sa susunod na taon.

Maliban dito, mapupunan na umano ang 26,685 bakanteng posisyon sa Philippine National Police (PNP) dahil isinama na rin sa 2020 national budget ang P14.4 Billion para dito sa susunod na taon.“This will bring our police-to-population ratio to the ideal ratio of 1:500,” saad ng budget message ni Duterte na ipinadala nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Naglaan din ang gobyerno  P100 milyon para sa pagtatayo ng 16 police stations sa buong bansa kaya umaabot sa P184.9 bilyon ang magiging pondo ng PNP sa 2020.

 

 

 

456

Related posts

Leave a Comment