(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINONTRA ni Senador Cynthia Villar ang pangamba na posibleng bumaba sa P7 kada kilo ang bilihan ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa gitna ng pagbaha ng imported na bigas kasunod ng implementasyon ng Rice Tariffication Law.
“Paano naman babagsak ng P7, eh sa Vietnam P6 tataripahan ng P8 o P9…Paano naman babagsak eh pag bumagsak ang Vietnam rice P20 kada kilo. False info na yun,” saad ni Villar.
Kasabay nito, kinumpirma ni Villar na sa unang anim na buwan ng taon, may koleksyon na ang Department of Agriculture (DA) na P6.5 billion mula sa taripa sa mga imported na bigas.
Ilalaan na anya ito para sa pagpapautang sa mga magsasaka at para sa pagbili ng mga makina upang makapag-kompitensya na ang mga local farmers sa ibang bansa.
“In fact nag-announce ang DA, in addition to P10 billion, kasi ang collection nila ay P6.5 billion in the first six months, so may sobrang 1.5 sa P10 billion may provision na kapag sumobra ibibigay pa rin sa rice farmers. Yung mga naapektuhan pwede magloan, interest-free,” paliwanag ni Villar.
Tinukoy ng senador ang nakasaad sa batas na P10 bilyon para sa Rice Competitive and Enhancement Fund (RCEF) na magsisilbing ayuda sa mga magsasaka.
“P5 bilyon, ibibili ng makina ng Philmech at ipamimigay sa 960 rice producing towns in the Philippines. Makina, kasi yun ang unang problema. Competitive na tayo so we have to mechanized as soon as possible,” diin ni Villar.
Nakatakda namang alamin ni Villar sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture mula sa mga opisyal ng DA ang update sa implementasyon ng bagong batas.
292