(NI HARVEY PEREZ)
TATAPUSIN ng Department of Justice (DoJ) sa loob ng 10 araw ang isinasagawang pagrebisa sa mga guidelines kaugnay sa pagbabawas ng sentensiya sa nga bilanggo.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guievarra, ikinukonsidera ng DoJ ang pagsuspinde sa pag proseso sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa mga inmates kasunod ng pagtutol ng publiko para sa maagang paglaya ng convicted rapist–murderer na si Antonio Sanchez.
Sinabi ni Guevarra na magpapalabas siya ng Department Order para sa mabilis na pagrebisa sa mga guidelines sa GCTA.
“Gusto naming bigyan ‘to ng top priority. Ayaw naming patagalin kasi kawawa naman ‘yung mga inmates natin na talagang validly ay meron nang karapatang makalabas dahil sila naman ay makikitang nareporma na, nagbago na.
‘Yang batas na ‘yan ay para sa kanila,” ayon kay Guevarra.
Nabatid na mayroon nang manual ang Bureau of Corrections (BuCor) sa pag proseso ng GCTA at iba pang allowance na ipagkakaloob sa mga inmates.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na ang BuCor manual na naipublish noong 2017 ay hindi ikinukonsidera ang application ng Republic Act 10592 o batas sa GCTA dahil nitong Hunyo 2019 lamang nag-ruling ang Supreme Court.
Sinabi pa ni Guevarra na kahit hindi lumutang ang balitang posibleng makalaya na si Sanchez, maraming inmates ang apektado ng retroactive.
