Malaking tanong para sa taumbayan kung magkano ang pork barrel sa panukalang budget sa 2020. Ang pork barrel ay natukoy nang pangunahing porma ng korapsyon sa gobyerno, dahil nilalagay nito sa kamay ng mga kongresista at mga opisyal ng gobyerno ang kapangyarihan kung saan at kung sino ang paglalaanan ng pera ng taumbayan. Hindi na tanong sa kasalukuyan kung mayroong pork barrel sa budget, kundi kung gaano na kalaki ito. Maaalala ang galit ng mamamayan sa malakihang pagnanakaw sa kaban ng bansa sa pamamagitang ng Priority Development Assistance Program, na isang tipo ng pork barrel. Ngunit, hanggang ngayon ay buhay pa rin ang pork barrel.
Para kay Bayan Muna at Makabayan Chairperson Neri Colmenares, kailangang busisiin ng mga mambabatas ang P1.7 trilyon na nilagay sa ilalim ng Special Purpose Funds (SPF) sa loob ng P4.1 trilyong 2020 National Budget. Walang buong detalye hanggang sa kasalukuyan ang paglalaanan ng napakalaking halaga na ito.
Kung ito ay hindi kayang ipaliwanag ng gobyernong Duterte, ito ang magiging pinakamalaking Presidential Pork Barrel sa kasaysayan. Kailangang busisiin ng lahat ng mambabatas ang pambansang budget, lalo na ang SPF. Ito ay responsibilidad nila bilang mga senador at kongresista.
Ang mga SPF ay mga dambuhalang lump sum, kung saan hindi nakikita kung saan-saan napupunta. Kaya naman maaari itong ituring na pork barrel na mismo. Tunay itong nakababahala lalo na ngayong 2020, kung saan 1/4 na kabuuang budget ay pawang pork barrel! Kung hindi ito kayang bigyang linaw ng Malacañang, ito ay harap-harapang pagnanakaw o daylight robbery sa pera ng mamamayang Filipino. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
208