(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG matiyak na pagdusahan ng isang convict sa isang karumaldumal na krimen tulad ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez, iginiit ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang Revised Penal Code lalo na ang tinatawag na “Three-Fold Rule”.
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, upang masiguro na ang mga tulad ni Sanchez na nasentensyahan ng pitong habambuhay na pagkakabilanggo ay hindi makalalabas ng kulungan habambuhay.
“Seven counts of reclusion perpetua should mean an eternity spent in jail. But the three-fold rule says otherwise. We should not allow dangerous people to be reintegrated back to our society,” ani Yap.
Dahil dito, kailangan aniyang amyendahan ang “three-fold rule” na nakasaad sa Article 70 ng Revised Penal Code upang ang mga tulad ni Sanchez ay masiguro na habambuhay na mabibilanggo.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil karaniwang hindi tinatapos ng isang convict ang kanyang sentensya dahil sa nasabing batas lalo na kung naka-40 taon na ito sa loob ng kulungan o kaya ay nakinabang sa Good Conduct Tima Allowance (GCTA).
Sanhi nito nais ng mambabatas na “maximum period of 40 years of imprisonment” ang laging sinasabi sa ibinabang hatol ng korte , ay gawing life imprisonment lalo na kung hindi lang isang ‘reclusion perpetua” ang sentensya sa isang convict tulad ni Sanchez.
Hindi umano kailangan ng lipunan si Sanchez at mga katulad nitong nakagawa ng karumaldumal na krimen kaya kailangang maayendahan ang nasabing batas sa lalong madaling panahon.
Kailangang aniyang masiguro na hindi na makakalabas ang mga tulad ni Sanchez sa kulungan dahil sa bigat ng kanilang nagawang kasalanan, hindi lamang sa Diyos kundi sa batas ng tao.
435