(NI BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroong panalo sa Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law, ito ay walang iba kundi si Senate Agriculture committee chairperson Senador Cynthia Villar na siyang sponsor sa nasabing batas.
Ito ang alegasyon ng mga magsasaka na sumugod sa Batasan Pambansa nitong Lunes upang hilingin sa mga kongresista na ibasura na ang nasabing batas dahil minasaker nito ang mga local na magsasaka.
“The biggest winner of the law’s implementation is Senator Cynthia Villar, the sponsor of the law and the chair of the Senate Committee on Agriculture and Food, and her family with their businesses on rice importation thru Vista Mall and real estate,” ani Amihan Secretary general Cathy Estavillo.
Ipinaliwanag ni Estavillio na kabilang ang Vista Mall sa mga rice importers at ang kanilang real estate naman ang makikinabang umano kapag napilitan ang mga magsasaka na ibenta na lamang ang kanilang lupa dahil wala na silang kinikita dahil sa nasabing batas.
Mula nang ipatupad ang nasabing batas noong Marso, P7 hanggang P10 na lamang ang presyo ng kada kilo ng palay na malayung-malayo na sa dating P20 hanggang P22 kada kilo.
Dahil dito, namasaker aniya ang mga magsasaka habang ang mga importers ng bigas ay buhay na buhay kaya dapat aniyang panagutin ang senadora at maging si Pangulong RodrigoDuterte.
“Dapat singilin ang mga ‘promotor’ ng Rice Liberalization Law na nasa likod ng pag-massacre sa kabuhayan ng mga magsasaka at ng lokal na industriya ng bigas,” ani Estavillo na ang tinutukoy ay sina Duterte at Villar.
Magugunita na sinertipikahan ni Duterte bilang urgent bill ang Rice Tariffication Bill noong Oktubre 2018 at dahil dito inarangkada ni Villar ang pagdinig at naging batas ito noong Marso 2019.
191