‘BICOLANO BOY’ PEDRO TADURAN, PINASUKO SI SALVA

(NI VT ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor/PHOTO BY DANNY BACOLOD)

MALAKI ang natutunan ni Pedro Taduran mula sa pagkatalo sa kanyang unang tangka sa world boxing crown noong 2018. Nagamit niya ang eksperiyensa para sa susunod niyang mga laban. Maging ang pagiging sparring partner sa Japanese boxers ay nakatulong nang malaki sa kanya.

At nitong Sabado ng gabi, binalewala ni Taduran ang first round knockdown, para umiskor ng fourth-round stoppage laban sa paborito at undefeated na si Samuel Salva sa kanilang IBF minimumweight championship sa Philippine Marine Corps sa Taguig.

Resulta: Tinanghal si Taduran bilang ikaapat na Pinoy na world champion ng Pilipinas sa kasalukuyan. Ang iba pa ay sina Manny Pacquiao, Nonito Donaire at Jerwin Ancajas.

Ang 22-anyos at bikolanong si Taduran, na ang trainer ay walang iba kundi ang dating IBF 105-lb champion na si Tacy Macalos, kaya naman hindi nakapagtatakang trinabaho niya sa katawan si Salva, dahil ganun din ang estilo ni Macalos noong panahong lumalaban pa ito.

Matapos bumagsak, inatake ni Taduran si Salva sa bodega hanggang matapos ang 4th round.

Habang hinihintay ang pagsisimula ng 5th round, ayon kay referee Danrex Tapdasan, paulit-ulit na iniluluwa ng 22-anyos ding si Salva ang kanyang mouthpiece sanhi ng kahirapan sa paghinga, dahilan para magdesisyon si Tapdasan mula na rin sa abiso ng ring physician na itigil ang laban.

Naka-oxygen at nakahiga sa stretcher na inilabas ng venue si Salva para dalhin sa ospital.

“Malaking tulong talaga yung experience na nakuha ko nung lumaban ako sa world championship, pati yung pakiki-spar ko sa Japan, nagamit ko dito,” lahad ni Taduran.

Bago ang stoppage, ang tatlong huradong sina Silvestre Abainza, Gil Co, at Cebu-based Panamanian Carlos Costa ay may pare-parehong iskor sa laban – 37-37, 37-37, 37-37.

Ayon kay Joven Jimenez, manager/trainer ni Ancajas, alas-12:00 ng hatinggabi ng Sabado ay nakalabas na rin ng ospital si Salva at nasa maayos namang kalagayan.

“12:00 midnight po nakauwi na po siya, nakalabas na po sa ospital,” wika ni Jimenez. “Okey naman po siya.”

Bunga ng panalo, si Taduran ay umangat sa 14-2 (11 KOs) ang win-loss record, habang ito naman ang unang kabiguan ni Salva sa 18 laban.

IKALAWANG WORLD TITLE NA PINOY VS PINOY

Ang 12-round IBF minimumweight encounter nina Taduran at Salva ay ikalawang pagkakataon lamang na kapwa Pinoy ang naglaban sa teritoryo ng Pilipinas.

Ito ay matapos ang halos 100 taon nang unang gawin ang Pinoy kontra Pinoy fight sa pagitan nina Pancho Villa, ang tinaguriang greatest Filipino boxer sa unang bahagi ng 20th century, na idenepensa ang kanyang korona laban kay Leyte-native Clever Sencio sa Luneta.

240

Related posts

Leave a Comment