(NI JG TUMBADO)
SINIGURO ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na mabusisi at walang magaganap na “whitewash” sa imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG)-Batocabe. Pinaslang si AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at ang police escort nito na si SPO1 Orlando Diaz noong December 22.
Ang pagtiyak ni Albayalde ay kasunod ng katatapos na “urgent command conference” sa Police Regional Office 5 (PRO5) sa Camp General Simeon Ola sa lungsod ng Legazpi kahapon.
Isa sa mga tinalakay sa command conference ay ang kaugnayan ng anim na persons of interest sa krimen at maging ng isang hindi pa pinapangalanang alkalde.
Sa press briefing, sinabi ni Albayalde na hindi inaalis ang posibilidad na may kinalaman sa politika ang pagpaslang kay Batocabe dahil madalas umanong lumutang ang pangalan ng kasalukuyang mayor sa intel reports na posible aniyang nasa likod ng krimen.
Dagdag pa ng PNP chief, awtomatiko umano itong mangyayari dahil katapat pa sa politika ng mambabatas ang naturang opisyal.
Subalit tumanggi munang ihayag ni Albayalde ang pangalan ng alkalde kung wala pang sapat na ebidensya sa koneksyon nito.
Una na rin nagpahiwatig ang mga kaanak at pamilya ni Batocabe na mas naniniwala silang may kinalaman sa politika ang ambush sa congressman.
Nilinaw naman ni Albayalde na walang kaugnayan sa insidente ang dalawang bangkay ng lalaki na una nang natagpuan sa Brgy. Gabawan sa bayan ng Daraga.
Samantala, sa kahilingan ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. na dis-armahan ang mga private armed groups ng ilang politiko sagot ni Albayalde na maigting naman ang kampanya ng PNP laban sa loose firearms.
149