Nakalulungkot ang balita ngayon.
Matapos ang 19 taong pagdedeklara na wala nang polio sa Pilipinas, heto tayo muli at tinamaan ng mapaminsalang sakit na ito.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health kung saan nabalitaan at napatunayan ding mayroon polio case sa Lanao del Sur.
Nakalulungkot din na malaman na sadyang marumi ang ating kapaligiran. Ito ay dahil na rin ang poliovirus ay na-detect sa water sewerage samples sa Manila at Davao.
Dengue ang halos hindi pa tapos na kinakaharap ng ating pamahalaan at mamamayan. At marami ang namatay sa sakit na iyan. Maraming pamilya ang higit na naapektuhan. At ito ang itinuturing ngayong “Worst dengue outbreak in years”. Hamakin ninyong sumampa ng 271,480 kaso ang naitala mula Enero hanggang Agosto 31 ng taong kasalukuyan. Sumampa rin sa 1,107 ang bilang ng mga namatay at ang mga ito ay mga bata.
Sa kaso ngayon ng polio, huwag naman sanang umabot pa o gumalaw ang bilang ng mga pasyente nito. Hindi naman makatarungang abut-abot na ang mga sakit na dumadapo sa bansa.
Ang mga sakit na iyan ay nagmula rin naman sa kapabayaan at pagiging marumi sa ating kapaligiran.
Isang hakbang na dapat na tumalima o sumunod ang publiko ay ang isinasakatuparan ngayon nang sabay-sabay na pagpapabakuna laban sa poliovirus. Dahil mga batang may edad lima pababa ang kalimitang tinatamaan ng sakit na ito, ang dapat na unang kumilos ay ang mga magulang.
Kailangang madala ang mga bata sa pinakamalapit na health center o bago nito ay alamin ang mga hakbang na dapat gawin para maiwasan ang naturang sakit.
Mahalaga ang pagbabakuna at mahalagang makumpleto ng mga bata ang bakuna para manatiling ligtas ang mga ito sa vaccine-preventable diseases, gaya ng polio. Dapat nating alalahanin na walang gamot ang polio kaya makipag-ugnayan tayo sa pamahalaan para sa ligtas na bansa.
Huwag nating balewalain ang mga sakit na akala natin ay kaya nating panghawakan o makontrol. Ang poliovirus ay kayang makaparalisa ng pasyente. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)