(NI NOEL ABUEL)
NANAWAGAN ang ilang senador sa pamahalaan na protektahan ang overseas Filipino workers (OFWs) laban sa crypto scams na nambibiktima sa mga mahihirap na Filipino.
Ayon kay Senador Francis ‘Tol’ Tolentino, kailangang palawigin pa ang pag-aaral kaugnay sa paggamit ng cryptocurrencies at iba pang digital currencies para maproteksyunan ang publiko mula sa mga scam, partikular ang mga OFWs.
Kaugnay nito, isinumite ni Tolentino ang resolution no. 129 sa Senado, na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa kasalukuyang ipinatutupad na regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa cryptocurrencies at iba pang virtual currencies sa bansa.
Binigyang diin ni Tolentino ang patuloy na paglobo ng mga gumagamit ng digital currencies sa bansa ay nakababahala na kung kaya’t dapat na bantayan ang mga OFWs.
“There are benefits to allowing the use of these currencies in the country as they provide Filipinos access to the global market, banking services to underserved citizens, and ease in making cheaper remittances to and from abroad for international corporations as well as from overseas Filipinos” sabi ni Tolentino.
Aniya, kasabay ng mga benepisyo na maaaring makuha mula sa paggamit ng virtual currencies, may posibilidad din na mas maging talamak ang mga on-line scam.
Sa kabila nito, patuloy pa rin aniya ang pagdami ng mga OFWs na gumagamit ng cryptocurrency para sa kanilang remittances at iba pang investments, kaya naman nanawagan si Tolentino na dapat isama ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa “cryptocurrency government task force” para ma-proteksyunan ang mga OFWs.
“Bakit hindi natin isama ang DOLE? Two to three million dollars monthly ang ipinadadala ng ating mga kababayang OFW gamit ang cryptocurrency noong 2017. Mahirap na kung ma-scam sila at mawala nila ang lahat ng kanilang pinaghihirapan,” sabi ng senador.
Ginawa ni Tolentino ang panawagan sa kasagsagan ng pag-uusap kaugnay sa pagbuo ng “Crypto Assets Task Force” kung saan inaasahang magiging miyembro nito ang ilang kinatawan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA).
387