(NI DANG SAMSON-GARCIA)
BUKOD sa negligence at graft, maaari ring ipagharap si resigned PNP chief Oscar Albayalde ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ito, ayon kay Senate Blue Ribbon Committee chair Richard Gordon, sa pagpapaliwanag na maaaring may paglabag si Albayalde sa Section 27 ng batas.
“Criminal Liability of a Public Officer or Employee for Misappropriation, Misapplication or Failure to Account for the Confiscated, Seized and/or Surrendered Dangerous Drugs, Plant Sources of Dangerous Drugs, Controlled Precursors and Essential Chemicals, Instruments/Paraphernalia and/or Laboratory Equipment Including the Proceeds or Properties Obtained from the Unlawful Act Committed,” nakasaad sa section 27 ng batas.
Alinsunod sa probisyon, posibleng maharap sa life imprisonment hanggang kamatayan at multang mula P500,000 hanggang P10,000,000 bukod pa sa absolute perpetual disqualification sa public office ang sinumang public officer o employee na masasangkot sa misappropriation, misapplication o mabigong i-account ang mga nakumpiskang droga sa operasyon.
Nangako naman si Gordon na posibleng ilabas na nila ang committee report na may kinalaman sa ninja cops sa Miyerkules o Huwebes.
Tiniyak ng senador na bibigyan nila ng kopya ng report si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaukulang aksyon nito.
Kasabay nito, hinamon ni Gordon ang Ombudsman, Department of Justice at Department of the Interior and Local Government na huwag balewalain ang resulta ng kanilang imbestigasyon at papanagutin ang mga dapat managot.
Sinabi ni Gordon na hindi lamang ang Pangulo ang madidismaya kundi maging ang buong sambayanan kung mawawalan lamang ng saysay ang imbestigasyon.
393