(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lamang ang mga doktor at mga nars na nagtatrabaho sa mga government hospitals at iba pang health institution kundi lahat ng mga empleyado rito ang tataas ang sahod kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa House Bill (HB) 2994 na iniakda ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr., sinabi nito na tulad ng mga doktor at nars ay kailangang din ng iba pang manggagawa sa mga pampublikong pagamutan ang dagdag na sahod.
Ayon kay Aurelio, bukod sa mga doktor at mga nars, ay mayroong mga Pharmacist, Speech Theraphist, Medical Technicians, Radiology Technician at iba ay health care personnels na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital.
Gayunpaman, tila hindi napapansin ang mga ito gayung mahalaga ang kanilang mga papel sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan kaya dapat umanong bigyan din ang mga ito ng pansn.
Hindi sinabi ng kongresista kung magkano ang sinasahod ng mga nabanggit na health workers subalit mistulang naliliitan siya dito kaya nais nito na mabigyan ang mga ito ng nararapat na sahod.
Sakaling maging batas, tatanggap ang mga nabanggit na health workers ng Salary Grade (SG) 15 o katumbas ng mahigit P30,000 kada buwan maliban sa mga allowances na P1,000 hanggang P1,500.
219